Ang likas at proseso ng political involvement

Posted by: Fats in: Fats, Vitamins & Minerals > Wika at Hirap

Sagot sa isang reaksyon sa Plaridel Papers, patungkol sa aking response sa “PRESS STATEMENT-Makibaka, huwag matakot! We shall resist martial rule! by Bayan Muna partylist Rep. Teddy Casiño.”

> Parang wala naman akong nabasang claim na “Bayan Muna is the Filipino
> people.” Ang nabasa ko ay “Bayan Muna and the Filipino people. Ang
> “and” sa Filipino ay “at” at hindi “ay.” Kumbaga sa Math, Filipino
> people + Bayan Muna, hindi Filipino people = Bayan Muna.

Kung mamasdan ang konteksto ng panawagan ni Teddy Casiño ng Bayan Muna, naka-salalay sa pagiging “Representatives of the People” ang kanyang pag-salungat sa PP1017, sa tangkang arestuhin sya ng walang warrant, at sa pag-hamon na patalsikin ang illegal na panunungkulan ni GMA. Sa aking pananaw, ang pagiging “representatives of the people” ay may “functional significance” lamang, at hindi ideological o philosophical. Kailangan buhayin ng oposisyon (o ng ano mang pamahalan at bayan) ang ideological/phislophical basis ng kanilang panunungkulan, ang mga usaping makakapag-ambag sa political maturity di lamang ng mga political actors, kundi lalo na ang mamamayang Pilipino.

> Hindi naman po ata porke naging bruha si Juana at naging kurakot si
> Pedro, hahayaan na lang nating ganun din ang gawin ni Maria, di ba?

Tama ka, subalit ang punto ko ay ang paraan at katipunan ng pagbabago- at di lamang ang paraan ng pagpapapatakbo ng pamahalaan - ang kailangang pagtuunan ng pansin. Hindi naman ito simpleng math: Juana=Bruha, Pedro=Kurakot, ergo Gloria=Chipmunk. Ang tanong ay ilan sa mga krusyal na issues laban sa ating mga liderato patungkol sa “legitimacy” -mula kay Marcos hanggang kay GMA - ang narapatan ng tunay na resolusyon, katarungan? Bakit kaya tila depektibo ang ating institutional order - ngayon lalo na sa AFP at sa Judiciary? Ano-ano ang ambag ng gobyerno, ng oposisyon, ng simbahan, ng business community, ng taong-bayan, sa pagka-depektibong it?

Nung EDSA 2 nung araw ng proclamation ni Gloria bilang presidente, meron ako nakitang malaking banner sa likuran nakasulat: “You better be a good girl, GMA.” (Actually, sa Bolivia nung si Evo Morales naupong presidente, meron ding nakasulat “Don’t turn right, we’re watching you.”) Sa mamamayang alerto, dapat walang makakalusot na panlilinlang at karahasan. Pero meron bang tunay na kapangyarihan (kapangyarihan sa pangingisip at sa pagkilos) ang mamamayang Pilipino?

Sa karamihan ng uri ng pamahalaan - maging militar, simbahan, demokratiko, sosyalist, capitalist - na humahantong sa isang stasis ay tipikal ang pagka-mangmang ng mga pinamamahalaan, ang taong-bayan. Ang stasis nagiging krisis sa pagkamulat ng taong-bayan. Ang posisyon ng simbahan catoliko sa kasalukuyang krisis sa Pilipinas ay ito raw ay dulot ng pag-subsob at pagka-agnas ng “moral values” ng taong-bayan. Subalit ayon sa pananaw ni Randy David ang kasalukuyang krisis ay palatandaan ng pagbabago ng “public values” - hindi sa direksyon na minumungkahi ng simbahan, kundi sa direksyon ng pag-angkin ng mamamayang Pilipino ng kanilang kapangyarihan sa pangingisip at sa pagkilos. Sang-ayon ako kay Randy David, na ang nakakarami ay “… trapped in the rigors of daily survival, are usually unable to think beyond the next meal… they do not have the luxury of worrying about politics. And even when they do, they feel powerless to influence the course of events. They wait for elections, and for the largesse it brings, and that about sums up their political involvement. ” Sa palagay ko ay mayroong paghamon ang sumunod na statement ni Randy David, ‘that politics is not the only attitude we can take towards the world” although hindi nya ito itinalakay dahil naka-tuon sa politics ang kanyang speech sa Manila Polo Club. Ang “erosion of moral values” ng simbahan ay nagbibigay lamang ng empowerment sa simbahan (katoliko), at di sa sambayanan (katoliko at hindi). Nasaan ang tunay na self-determination na napakahalaga sa pagtamasa ng tunay na kalayaan sa lahat ng antas ng mamamayan? Tama si Randy na limitado ang political involvement ng nakararaming maralita, pero di dapat magtapos doon. Di lamang ibig-sabihin nito ay ang mga elite at ang middleclass lamang ang may either karapatan o responsibilidad na mag-usap, mag-suri, mag-isip at maki-sapi sa political maturity ng sambayanang Pilipino. Sabi ni Renato Constantino: “After independence, when the old relations were preserved under more sophisticated forms of control, changes in the economic order brought about an expansion of politically relevant sectors of the population. The basis for mass nationalism lies in the growing numbers of the politically aware who create new pressures to confront vital problems.”

> The Bayan Muna congressmen and other representatives were elected by
> the people. Thus, they are representatives of the people. The same
> cannot be said of other national leaders who had to say “Hello Garci”
> to remain in power.

Ito ang problema sa representasyon at “national organization.” Ang kinikweston ko sa diwa ng pahayag ng Bayan Muna (at ng marami pang organisasyon pati na rin ang propaganda ni GMA at ang sariling propaganda ng simbahan/CBCP) ay ang paggamit sa katipunan ng mamamayang Pilipino upang i-hayag at i-taguyod ang kanilang mga interest, paniniwala at ideolohiya. Ito ang problema ng “national organization”, “institutional order” - na at least dito sa atin sa Pilipinas ay hadlang sa karapatan ng mamamayang Pilipino (kasama ang pinaka-maralita) na pamahalaan sa paraan na naaayon sa kanilang sariling isip, diwa at mga pangangailangan.

Ang crisis ng Pilipinas sa kasalukuyan ay hindi lamang Gloria vs. the Filipino people. Sa haba ng karanasan natin (at pagkadismaya) sa mga lideratong sumunod kay Marcos (sa katunayan, mula pa sa mga lideratong Aguinaldo na halos lahat complete sold-old sa kolonyal na interes), ay tila pa-ulit-ulit na lamang na nilalabag, binabastos ang “social contract” sa pagitan ng taong-bayan at ng pamahalaan. Ang hamon ngayon sa oposisyon ay ang maghayag ng kapasyahan, kalutasan o di kaya’y alternatibo sa mga suliraning bumabagabag sa relasyong pamahalaan-mamamayan. Epeketibo ang “makibaka, wag matakot” sa rehimeng Marcos (bagamat marami ang napatay, tinorture) at sa katunayan ay masasabing bunga rin ang pakikibakang ito ng rehimeng Marcos, subalit kung nagbago nga ang “public values” ay dapat magbago rin ang “political values” - pati ang political involvement at isipan ng political elite, opsisyon at middleclass kung sino nga ba ang dapat politically involved at papaano nga ba ang proseso ng political involvement.

Halimbawa, naniniwala ako na interesante mula sa middleclass hanggang sa pinakamaralita, ang katanungan patungkol sa warrantless arrest (na umiiral sa kasong rebelyon/subversion bilang isang continuing crime (Garcia-Padilla vs. Enrile)). Maganda sanang usapin ito, lalo na’t naghayag nuong 1991 (?), ng mga dissenting opinions sina Justice Cruz, Feliciano at Sarmiento sa mga kasong Umil vs. Ramos, Espiritu vs. Lim. Ang usapin at pagtatalo tungkol sa karapatan ay ka-wangis ng usapin tungkol sa kung saan manggagaling ang susunod na hapunan sa maralitang Pilipino.

Ngayon ay malakas ang propaganda ng gobyerno laban sa komunismo at ang diumanong alyansa nito sa ilang mga rebelde sa AFP, pati na rin ang ilan sa mga lider ng oposisyon at simbahan. Pati ang pagbasa ng mga sinulat ni Constantino sa mga iskwelahan ay sinyales na nang pagiging “komunista”, NPA, kalaban ng gobyerno, etc. - terorista. Subalit sa South Amerika ay tila binubuhay ang alternatibong pamahalaan, ang sosyalismo, na tila ay tunay na tumutugon sa diwa ng sambayanan. Si Walden Bello ata ang mayroong pagsusuri sa pagbabago socio-political sa Pilipinas at South Amerika, baka magandang bisitahin ang kanyang analisis.

Mahirap, mapanganib ngunit napakagandang pagkakataon ang kasalukuyan para sa political maturity ng lahat - sa administrasyon ng pamahalaan, oposisyon at lalong-lalo na sa mga mamamayang Pilipino. Ito na rin ang panahong malagpasan natin ang pessimism at cynicism na namamayani sa isipan ng napakarami ngayon.

One Response to “Ang likas at proseso ng political involvement”

  1. jeremie santiago Says:

    ano ang pahgunahing katangian ng uri ng pamahalaan

Leave a Reply