Sulyap at Suri sa “Mga Tula, Kanta at Pintura” ni Heber Bartolome

Posted by: Fats in: Fats, Vitamins & Minerals > Katawan > Mga pa-art show

Sulyap at Suri[1] sa “Mga Tula, Kanta at Pintura” ni Heber Bartolome[2]Heber and Dulce. Photo by Fats Lasay.Nung gabi ng eksibit ni Heber Bartolome, habang pinanonood ko ang mga tumula at kumanta — ilang sikat na mga personalidad na mula pa sa dekada 70 - yung mga tumula at kumanta na mula pa nuong dekada ‘70, tinatanong ko ang aking sarili, saan napunta ang lahat ng ito? Napansin ko rin ang mas nakararaming lalaking nagtanghal sa eksibit ni Heber, maliban sa iilang babae - na puros lalaki ang nag-prisenta sa eksibit ni Heber, maliban sa da-dalawang iilang babae - ang aking sarili at si Celina Cristobal (kasama na rin si Melissa Nolledo na nagpadala ng tula mula sa USA at ang pagkanta ng pop duo na sina Maricel at Mildred. Matapos ang programa ay dumating si Dulce at inawitan ni Heber habang inihahaon ng mga piyon ang eskaleytor sa Megamall upang linisin). [3] Di kaya dahil sa kakulangan ng pagbalikatan (sa likas ng o ang syang anyo ng balikatang ito) ng kalalakihan at kababaihan (ang pagkasira o/at pagbabago sa tradisyong babaylan sa kolonyal na kasaysayan ng Pilipinas?) kanya’t hindi nai-pasa sa kasalukuyang henerasyon ang mga pangingisip ng ating mga intelektwal (pareho ng kalalakihan at kababaihan) ng mga nakaraang taon?

Maari kaya’t di pa naman huli ang lahat at masyado lang akong mainipin?

Habang kinakanta ni Atty. Bong Baybay ang “Nena” ni Heber (at ng Banyuhay) ay nakadama ako ng kalungkutan. aking kimkim ang kalungkutan. Ang gutom at pagpuputa ni Nena ay sya bang lohikal na kahihinatnan sa pagkamatay ng rebeldeng magsasaka? Ipina-alala sa akin ni “Nena” ang mahigit nang dalawampung taon mula unang naihaplos sa aking isipan ang isinulat ni Rio Alma (Virgilio Almario)[4]:

Ikapat ng madaling araw
Di hagulgol niyong bunso
ang pumukaw
sa pag-idlip,
Ni ang putok na may hatid
na malagin na
balita,
Subalit bumangon ang inang
sariwa pa ang
larawan
Na lagas na ngipin sa banig.

O kababaihan, ikaw na syang paksa, larawan, alegorya’t kung ano-ano pa sa mga awit, tula at pintura ng ating mga malikhaing kalalakihan, ano ang ating kinahinatnan? Ayon kay Vim Nadera, sa kanyang performance/tulang[5] tugon sa “Pinay2006/Filipina” pintura ni Heber:

Ako ang kinilalang larawan ng dunong
Sapagkat ang wala ka, ako ang mayroon

Marahan kong kinain ang aking salita
Nang aking marinig ang bunga ng bunganga.

Ikaw ang tarangkahan ng demonyo?
Nasa pagitan ka ba ng hayop at tao?

Lalake ka rin bang isinilang nang mali?
O isa kang tagapagparami ng lahi?

Habang tinatanong ko ang aking sarili,
“Ako ay ikaw!” ang sa akin mo sinabi.

Tatlong katagang ito ang sagot sa lahat
Ng dilim na sa dulo — ikaw ang liwanag!

Ang relasyon sa pagitan ng mga kasarian at ang pananaw ng bawat isa sa isat-isa ay interesante sa akin, gayun din ang relasyon sa pagitan ng mga henerasyon. Sa tula/performance ni Vim Nadera ay pumasok sa aking isipan ang ka-angkupan ng kanyang mga sinabi patungkol di lamang sa kababaihan at kalalakihan kundi pati na rin sa “old” at “young generation”, lalo na’t nuong kanyang inaabot sa mga manonood ang mga pirasong papel kung saan nakasulat ang bawat dalawang linya ng kanyang tula. Pakinggan ang kanyang pagbigkas ng tula at pag-abot nito sa isang higit nakababatang/nakakatandang manonood. Nakakatindig balahibo.

Sa aking palagay, ang kaligiran sa kawalan ng silakbo ng kasalukuyang henerasyon ay di gaanong kakaiba sa kaligirang nagbuntod kay Jose Rizal ng mga katagang “nasaan na ang ating mga kabataan?” Ito ang kapanahunan ng kalagayang piyudal at kalagayang kolonyal, kung saan ang realidad ay, ani nga ni Bien Lumera, ang pagkatuntong ng ating kultura sa balangkas ng ating ekonomiyang sinasaklawan ng kapangyarihan ng iilan na ang kayamanan ay mula at para sa pakikipagkalakalan sa mga dayuhan. Ikaw na magsasaka, bunso, ina at nena, caregiver, nars, titser, DH at drayber - ang mga dati luma at bagong kalakal. Ang pagkamatay ng magsasakang rebelde, ang pagdarahop ng karamihan, ang pagpuputa ng katawan, talento at talino, ayon sa awit ni Heber, “kahit saan, maraming Nena”:

Lumaki si Nena, kaakbay ay hirap
‘Di natitiyak kung ano ang bukas
O, kayhirap ng buhay na kanyang dinanas
Ang tanong niya’y, “Saan ito magwawakas?”

Akin ring palagay na kung ano mang silakbong natitira ay madaling sinisipsip ng relihiyon na syang alay at bunga ng ating kalagayang pyudal. Ang kaakbay na hirap ni Nena ay ipasa-Diyos na lamang natin. At mMatapos ang mga EDSA People Power Revolutions na pinasimunuan ng simbahang Katoliko, paano mo pa susuriin, kikilatisin at hahamunin ang papel ng simbahan sa gutom ni Nena sa kasalukuyan? Sa katunayan, ngayon sa larangan ng sining ay madalas kinasusuklaman, o kinakantyawan kundi pinagwawalang-bahala ang mga likhang tugon sa paksang relihiyong Katoliko at pananampalataya (lalo na’t dahil hindi raw kasi ito mabenta sa mga kolektor). Ilan ang nakakatamasa sa tunay na hangarin ng mga likha, halimbawa, ni Jose Tence Ruiz?[6] Napano na ang “Miserere sa Bagong Panahon” ni Clemente M. Bautista[7]:

Habang lumalaklak ng alak-simbahan
Gutom ng Seraping walang kabusugan,
Anghel sa basura’y naghahasik-bungkal,
Sa unos-dalitang hindi matakasan,
Aming Panginoon, iyong kaawaan!

Di kaya ang gahaman na Seraping walang kabusugan ay salamin din ng mga relihiyong sosyalismo, komunismo at kapitalismo? Di kaya ang unos-dalitang hindi matakasan ay yaong bulag na pananampalataya kay Rizal, Lenin, Marx, Hesu Kristo, Birhen Maria, Limandaang Piso at “Katotohanan”? Sa Huwebes Santo ay isinulat ni Ricky de Ungria[8] para sa pinturang “Bihag” ni Heber:

Wala na ang ligalig
at pangamba

Said na ang katahimikan
at kaguluhan.

Wala nang kahulugan
ang araw, ang gabi.

Pati na rin ang araw,
ang gabi.

Minsa’y aking naulinig ang tinig na tila mula sa isang matandang babaeng kumakanta. Sandali pa’y natuklasan kong ito’y tinig ni Heber, inilapat sa mga larawang Smokey Mountain na kuha ni Ding Roces. Mayroong nakapagsabi sa akin na ang kasariang babae at lalaki ay nagiging isa sa pag-edad ng babaylan.

Kung ating papansinin, ang lahat ng tao kapag tumatanda ay bumabalanse ang kanyang kasarian sa pagitan ng babae at lalaki - sa katunayan, madalas ay mas malapit pa ata sa kasariang babae. Kaya ang matanda kadalasan ay mahirap malaman kung sya ay lalaki o babae maliban na lamang kung maging “obvious” ito sa pananamit. Sa palagay ko ang pagsandibdib ng kasarian sa pagtanda ay para ding pagsandibdib ng henerasyong nakaraan at kasalukuyan. Hindi ito madali at inaabot ng mahabang panahon sa kabuuang karanasan ng isang lipunan.

Paano’t paano man, ang nais ko sa mga sandaling ito ay mabuhay at magpatuloy ang diyalogo sa pagitan ng aming henerasyon at ng mga “babaylan-in.” Maitulay nawa ng kanilang dugo ang isip at ginhawa sa aming pagkalimot dahil sa pagkamangha sa mga salamangkang dayuhan sa bahay ni Big Brother. Matapos ang “Mga Tula, Kanta at Pintura” ni Heber at ng lahat ng nakisalo, nawa’y bigyang kahulugan muli ang araw at ang gabi. Wag sana kami maging mga bato[9] sa aming pagbalik sa baybay-dagat ng lupaing aming pinanggalingan.

Sa pagbuo ng sulating ito, maraming salamat sa mga sulyap at suri nila Rod Samonte at Heber Bartolome.

Ilang links patungkol sa eksibit ni Heber.
Kablag ni Mel Vera Cruz
Blog ni Jim Ayson

[1] Pasintabi kay Bien Lumbera na sumulat ng “Abot-Tanaw: Sulyap at Suri sa Nagbabagong Kultura at Lipunan.”

[2] “Mga Tula, Kanta at Pintura” ang pamagat ng eksibit ni Heber Bartolome na nagbukas nuong ika-18 ng Abril 2006 sa Crucible Gallery sa Megamall, Mandaluyong City. Ang mga naki-salo ay sina: National Artists Napoleon Abueva, Virgilio Almario, Bien Lumbera; sina Joey “Pepe” Smith, Teo Antonio, Rogelio Mangahas, Ronnie Lazaro, Marne Kilates, Vim Nadera, Frank Rivera, Trevor Batten at Fatima Lasay, Pandy Aviado, Fil Delacruz, Raul Isidro, Jose Tence Ruiz, David at Glenn Bautista, Levi at Jesse Bartolome, Lenny De Jesus, Lester Demetillo, Pete Canson, Noli Aurilio, Lirio, Eghai Roxas at ang Elemento, Mildred at Maricel, Ernie Dela Peņa, Willy Bulaoan, Bong Baybay, Boy Vinzon ng My Brother’s Mustache, Sari Ortiga ng Crucible, Celina Cristobal, Ed Manalo, Ben Razon, Jim Ayson, Ruben Canete, atbp. Tampok din ang mga e-participants: London: Attila the Stockbroker; Belgium: Victor Brias; Beijing: Claro Cortes IV; Oregon: Melissa Nolledo; San francisco: Mel Vera Cruz; Los Angeles: Rodolfo Samonte; Long Beach: Vics Magsaysay; New Jersey: Ed Labadia; Sydney: Edd Aragon at Alfredo Roces. Nagsulat din ng mga tula sina Ricky de Ungria, Pete Lacaba at Alfred Yuson.

[3] Ayon kay Heber, ay “kung binigyan mo ng pansin ang kasarian sa konteksto ng pagtatanghal, kailangang banggitin mo na rin ang mga bakla o binabae na posibleng nagtanghal din. Kasi, di ko naman iniisip na kailangang balansihin ko ang babae at lalaki para itanghal ang mga tula, kanta at pintura sa aking exhibit. Nangyari lamang na mas marami ang lalaki. Hindi ito malahalaga sa akin.”

[4] Mula sa “Elehiya sa Isang Rebelde” ni Rio Alma. Ang tulang ito ay hindi kasama sa eksibit ni Heber.

Ang “gender gap” at “generation gap” ay interesante, at gayundin ang “gap” sa pagitan ng “sining” at “lipunan.” Halimbawa, nuong Agosto 2005, ay napatay muli ang rebeldeng magsasakang Pilipino sa pamamagitan ng paggamit ng Microsoft Corp. sa “Filipino glossary of computing terms” na ibinuo ni Rio Alma (Virgilio Almario): “The localized version builds on the Filipino glossary of computing terms put together earlier this year by a third-party software developer and national artist and poet Virgilio Almario, dean of the College of Arts and Letters at the University of the Philippines in Diliman.” (Mula sa Manila Standard Today http://www.manilastandardtoday.com/?page=interactive01_aug22_2005). Ang Microsoft Corp., sa kabila ng kasikatan ng may-ari nito na si Bill Gates at pag-idolize ng maraming kabataan sa kanya, ay isang monopoly at kriminal na organisasyong yumaman at yumabong sa pamamagitan ng paglilinlang (tignan ang mga anti-trust case laban sa Microsoft, kabilang http://pcworld.about.com/od/microsoftantitrustcase/ at sa http://www.opendemocracy.net/media/microsoft_3480.jsp). Ang isa sa mga alternatibo sa Microsoft ay ang FOSS (Free and Open Source Software), bilang isang movement at pilosopiya na mas angkop sa mga bansang mahirap tulad ng Pilipinas (tignan ang isinulat ni Dodong Nemenzo tungkol dito sa http://www.up.edu.ph/forum/2003/Jan03/letter.html).

[5] Mula sa “Malaki ring Bahagdan ang Lamang ng Timbang (Pagkatapos ng Filipina ni Heber Bartolome)” na isinulat, itinula/perform ni Vim Nadera sa pagbukas ng eksibit ni Heber.

[6] Kabilang din si Bogie Ruiz sa pagbukas ng “Mga Tula, Kanta at Pintura” kung saan kanyang binasa ang tula ni Mel Vera Cruz ng Banggaan/San Francisco, USA.

[7] Na tinalakay ni Bien Lumbera sa “Mulang Albania Hanggang Mendiola: Ang Tula Bilang Tagapagpalaya” (Panayam Balagtas, Abril 2, 1971, sa auditoryum ng Aklatang Pambansa sa pangangasiwa nito sa Surian ng Wikang Pambansa), mula sa “Abot-Tanaw: Sulyap at Suri sa Nagbabagong Kultura at Lipunan.” Ang tulang ito ay hindi kasama sa eksibit ni Heber.

[8] “BIHAG *Huwebesanto2006*” ni Ricky de Ungria. Isinulat ni Ricky para sa pinturang “Bihag” ni Heber, habang nasa Baguio City bilang writer-in-residence ng UP Summer Workshop.

[9] Sa Malay-Indonesian poklor, si Si Tenggang ay isang rebeldeng anak. Kanyang iniwan ang mahirap na mga magulang ng mahabang panahon. Isang araw ay nagbalik si Si Tenggang mando ang isang hukbang pandagat at kasama pa ang isang napakagandang asawa. Dahil sa pagtakwil sa kanyang ina, si Si Tenggang ay isinumpa at naging bato. (Salamat sa mga panulat ni Muhammad Haji Salleh).

2 Responses to “Sulyap at Suri sa “Mga Tula, Kanta at Pintura” ni Heber Bartolome”

  1. arth12_229 Says:

    pki post nMan p0 ung Lyrics ng kantang NENA..kylangan Lng p0..tnx..

  2. Fats Says:

    Ah, ang da best dyan ay ang http://www.titikpilipino.com/ ni Jaydj. Pwede mo sya i-email para makuha ang lyrics kung ito ay wala sa database nila. Good luck!

Leave a Reply