Bakit Goat4Sale?

Posted by: Fats in: Goat4Sale Pinoy Diary > Bakit Goat4Sale

Goat4SaleSa wakas, narito na ang aking talaarawang Pilipino, kung saan maghahalo ang balat sa tinalupan! :)

Bakit Goat4Sale?

Ang karatulang “goat4sale” ay mula sa alaala ng aking kabataan. Kung di ako nagkakamali, nag-diwang ng 42nd birthday ang aking tatay at ito ang pinakamalaking birthday celebration na ginanap sa aming tirahan sa Sampalok, Manila. Nung taong yaon, ako’y mga 6 o kaya 7 years old.

Naalala ko na merong isang brown na kambing sa aming bakod. Nung kinagabihan ay nawala yung kambing. Pagkatapos ay merong mga lalaki na dumating at nagsabit ng mga aso (at kasama na siguro dito yung kambing) mula sa kesame sa kusina.

Kinabukasan ng umaga (araw ng kaarawan ng tatay ko) ay merong malalaking kawali sa aming bakod kung saan niluluto na ang mga aso at yung kambing. Naalala ko na isang dakot ng siling labuyo ang ihinagis sa kawali. Mahilig kasi sa maanghang ang pamilya ng tatay ko, mga Bikolano kasi sila.

Duon ako unang kumain ng kambing at aso.

Makalipas ang ilang buwan, naalala ko ang pagkatuwa tuwing nakakakita ako ng mga karatulang “goat4sale” sa mga barong-barong sa EDSA. Sa likod ng karatulang ito ay ang isang bakod na yari sa kahoy at yero, at sa loob ng bakod ay ang mga cute na cute na mga kambing. :)

Nung lumipat kami ng tirahan sa QC mula Sampalok, ako ay mga 11 o 12 years old. Naalala ko na merong maputing kambing sa harap ng aming bahay. Kundi ako nagkakamali nung lumipat ang mga tiyahin ko sa aming bahay mula nung namatay ang aking lola ay nagkaron ulit ng kambing sa harap ng aming bahay. Nagpadagdag kasi sila ng second floor sa bahay at kinailangang mag-alay ng dugo ng kambing sa hagdanan.

Naalala ko rin ang pagkolekta ng mga sungay, ipin at panga ng kambing; binalak ko kasing gawing kwintas pero di na ito natupad.

Nuong ako ay nagtatrabaho na, laging espesyal kapag nagyaya ang aking mga kaibigan na kumain sa kambingan. Nuong nagpunta naman ako ng GenSan ay espesyal din nung kumain kami ng kambing sa CasaGoatan.

Ngayon dahil sa mga magagandang alaalang ito ay naisip kong tawaging Goat4Sale ang aking Pinoy blog. Sa katunayan, nangangarap din ako ngayon na magkaroon ng isang bakuran kung saan pwede akong makapag-alaga ng isa o dalawang kambing. :)

Samantala, napagalaman ko rin na ang Goat4Sale pala ay isang bastos na website. Pero hindi na ako nagalala dito kasi hindi naman papalitan ng Moro Islamic Liberation Front ang kanilang pangalan mula nang malaman nila na ang MILF pala ay may kahulugang bastos sa mga porn sites. Problema na ng mga porn sites yun at bago pa nagka-internet ay matagal nang nabuo ang MILF at matagal nang binebenta ang kambing sa Maynila.

Bakit Pinoy blog?

Dati ay binalak kong mag-set-up ng blog na Pilipino ang wika. Medyo nagawa ko ito sa Fats, Vitamins & Minerals pero 99.9% nung blog ay Ingles pa rin. Nung nakaraang buwan ay nag-email ako kay Heber Bartolome tungkol sa kanyang pagawit sa isang film viewing. Sumagot sya, sumagot ako ulit at nagkasagutan kami. :) Tagalog ang wika na aming ginamit at napaisip tuloy ako na merong mga bagay na di ko ma-ihayag sa Ingles (at meron din namang mga bagay na di ko ma-ihayag sa Tagalog). Gusto kong malaman kung ano-ano nga ba ang mga bagay na ito at bakit, at kung pwede bang i-hayag sa Ingles at vise-versa sa Tagalog ang mga ito.

Naisip ko rin na maganda na magsulat ako ng madalas sa Tagalog. Dahil British ang aking asawa ay mas madalas na puros Ingles ang aking salita. Puros Ingles din ang aking mga sinusulat dahil nasanay na ako rito gawa ng aking edukasyon.

Kanya eto - ang Goat4Sale ay isang hamon sa aking sarili. :)

Mabuhay ang kambingan! :)

Leave a Reply