Baranggay Eleksyon: maka-taktak! maka-tarat!

Posted by: Fats in: Goat4Sale Pinoy Diary > Pampulitika

Goat4SaleNuong mga nakaraang ilang linggo kami’y binulabog ng tambol, torotot, simbals, megapon, paputok/kwuitis, at kung ano-ano pang pantawag-pansin na mga ingay ng mga kandidato sa katatapos lamang na mga Baranggay/SK eleksyon.

Maliit lang naman ang aming baranggay subalit isang kandidato pagka-baranggay captain lamang ang bumisita sa aming apartment upang hingin ang aming suporta sa pamamagitan ng pagboto sa kanya at ng kanyang mga ka-partido. Sa katunayan, napabisita lamang sya sa amin dahil sya ay nakatira sa kaparehong apartment block namin dito sa baranggay.

Nung isa o dalawang nakaraang araw naman ay napabalita na ang aming baranggay ay isa sa dalawa na “trouble areas” sa distrito. Ilang mga guro/election officers umano ang ‘hinostage’ ng ilang mga kandidato at ng kanilang mga taga-suporta. Sikat pala ang aming barangay sa pagiging “trouble area.”

Hmmm… mukhang matindi ang kompetisyon sa pulitiko dito sa aming lugar. Kanya siguro ganun din katindi ang pabonggahan ng pangangampanya sa kalsada. Nakakatuwa kung minsan pero nakakarindi kadalasan, paulit-ulit na tugtog o busina ng i-taktak mo, boom-tarat-tarat, at bulyaw ng mga salitang “maaasahan!” “maka-diyos!” “maka-bayan!”

Siguro ay wala nang naniniwala sa mga katagang yan kaya kailangan na pag-igihan ang “taktak” at “tarat.” Dyan, tiyak sila maaasahan!

Sa totoo lang ay said na rin ang pasencia ko sa mga pulitiko dito sa Pilipinas. Tumigil na ako sa pagboto mula nung eleksyong nakaraang Mayo. Mabuti pa yung ilang mga taga-Argentina, ibinenta sa isang on-line auction ang kanilang mga boto bilang protesta sa kanilang mga walang-silbing pulitiko.

Kung di rin lang naman mahusay at maaasahan ang ating sistemang pampulitika, ay mas mabuti na bawas-bawasan na lang natin ang pag-asa’t pagtiwala sa kanila. Totoo na ang pulitika ay isang show-business; kapag walang manonood ay walang show.

Malamang pananaw din ito ng ilang mga tinatawag na “anarchists”, pero na niniwala ako na ang pinaka-angkop na sistema ng pamamahala para sa bansang Pilipinas ay ang pagbibigay autonomiya sa bawat barangagy. Kahalintulad siguro ito nuong mga tinatawag na cantonale sa bansang Suisse. Duda ako sa paghimok ng mga pulitiko sa pederalismo dahil ang motibo nito ay tyak na motibong pansariling kapakanan ng mga nakaluklok sa kapangyarihan sa itaas. Ang motibo ng pagka-baranggay ay dapat magmula sa pinaka-ugat ng lipunan.

Komplikado at kulang pa ang aking pagsasaliksik sa isipang ito. Subalit ito ang nakikita kong sagot sa tanong kung bakit kahit gaano kalinis ang isang maglilingkod-bayan, ito’y nagiging madumi sa sandaling maluklok sa ating masalimuot na sistemang pampulitikang di angkop sa diwa at kultura ng lipunang Pilipino.

Hari-nawa’y di pa nadungisan ng kasalukuyang sistemang pulitikal ang tunay na kahulugan ng baranggay.

Leave a Reply