Gutom
Posted by: Fats in: Goat4Sale Pinoy Diary > Etsetera, etsetera
Nung nakaraang Lunes, medyo maaga ako nagising upang magsulat at mag-check ng email, nang biglang mayroong nag-doorbell: isang matandang humihingi ng limos, inaabot sa akin ang isang papel sa isang kamay at sa kabilang kamay ay pinapakita ang dalawa o tatlong piso.
Sandali lang po, manong, sabi ko, isinara ng bahagya ang pinto at kumuha ng pera sa aking pitaka. Inabot ko sa matanda ang singkwenta pesos habang tinatanong kung saan sya nanggaling.
Sa Cordillera, sagot nya, sabay tingin sa pera. Parang nabigla dun sa halagang binigay ko. Bahagya ay nangamba ako na baka magalit sya at napakaliit nung binigay kong pera. Maraming salamat, sabi nung matanda. Haay, salamat, sabi ko sa aking sarili.
Sige, ingat po kayo, manong, sabi ko sa matanda at isinara na ang pinto.
Balik ako sa computer, download ang email at ang magandang balita na tuloy ang proyekto para sa websining sa kabila ng mga problema sa NCCA at dahil na rin sa pagpursigi ng CVA para maituloy nga ito.
Sana magandang signos yung matandang mula-Cordillera. Medyo isputing na polo pa nga ang kanyang suot, naisip ko na malamang ay galing sa ukay-ukay.
Lumindol kaninang tanghali. Tulog pa ako nun. Death anniversary pa naman ng tatay ko. Nung nakaraang araw naman nagalit ako sa asawa ko, napakakulit kasi, mas-excited pa sya kesa sa akin tungkol sa gaganaping proyektong websining, ayun walang tigil na kakatalak tungkol sa konsepto nya eh nahihilo na ako sa gutom at alas-tres na ng hapon ay hindi pa kami kumakain ng agahan.
Awa ng Diyos naayos naman namin ang gusot. Sinabihan ko syang wag makipag-debate at wag-negatibo kapag ako ay gutom. Malamang ay ito rin ang pinag-umpisahan ng problema namin nuong nakaraang taon: gutom.
Di ko matanggap ang dami ng batang nagugutom ngayon, lalo na yung mga batang papasok ng iskwela na walang agahan. Ilang pamilya kaya ang nasira dahil sa di pagkakasundo-sundo … dahil pala sa gutom.
Isa pang kaibigan kong taga-Burma ang sumagot sa aking email - makalipas ang ilang linggo. OK naman sya, awa ng Diyos, nagpipinta pa rin at ngayon ay interesante sa sound installation.
Nakakapag-tawid gutom pa rin ba kaya ang “art” ngayon?
