Archive for the 'Etsetera, etsetera' Category

Buhay kambing

Thursday, September 11th, 2008

Nakakatuwa naman at ang dami kong nakitang kambing sa Bohol. :) Merong brown, merong black, merong white, merong black and white, merong brown and white - at lahat sila ay maikli ang buntot. Sa palagay ko ay nalahian ng kambing ang mga aso sa Baclayon kaya maikli ang buntot ng karamihan sa mga aso dito.

Sa huling araw ng aming bakasyon sa Baclayon ay sinubukan kong kunan ng litrato yung mga kambing sa bakuran ng aming mga kapitbahay. Napansin ko kaagad simula pa lang sa unang kinunan ko ng litrato na medyo “anti-social” ang mga kambing. Paglapit ko at pagtutok ng camera ay titigil agad ito sa pagnguya ng damo at aangal ng “meeeeee-meeeeee!”

Hmmm….

Ito ang unang kinunan  ko ng litrato, isang katamtamang laki na kambing na nakatira sa tabi ng isang bakeshop. Meron syang kulay asul na collar.

baclayon-goat-1.jpg

Ito ang isa pang kambing na kinunan ko ng litrato, di kalayuan sa kambing na me asul na collar. Ito naman ay mas malaki, mas malaki rin ang sungay at mayroon din syang tali sa leeg. Karamihan sa mga kambing dito ay nakatali pero meron din akong mga nakitang kambing na malaya, lalo na yung mga may maliit na anak.

baclayon-goat-2.jpg

Minsan papuntang Maribojoc ay mayroon kaming nakitang ibang lahi ng kambing na tila kumakatok sa gate ng isang bahay. Sya ay isang malaking long-hair na kambing.

Nung bumisita kami sa Antipolo kasama ng nanay ko ay merong dalawa o tatlong pamilya ng mga kambing na malapit sa loteng binisita namin. Tuwang-tuwa ang nanay ko doon sa mga maliliit na kambing. Gusto raw nyang mag-alaga ng maliit na kambing basta’t wag na ito lalaki. Pwede yun, kung ito ay kakatayin at pupulutanin bago pa ito lumaki. ;)

Masarap pa naman ang kalderetang kambing! ;)

Samantala, nabasa ni Trevor sa BBC news ang isang balita tungkol sa mga kambing sa Democratic Republic of Congo na ikinulong at kinasuhan: “The beasts were due to appear in court, charged with being sold illegally by the roadside.” (From DR Congo frees goats from prison)

Signos

Monday, December 3rd, 2007

Goat4SaleSiguro tanghali nung ako’y nagising dahil sa malakas na boses ng isang babae na maya-maya ay naging isang malakas na iyak. Napakalakas na iyak, hikbi, pamilyar din kanya’t sigurado akong sya yung aming narinig na umiiyak nakaraan ang ilang buwan isang madaling-araw. Madarama ang lalim ng sakit sa kanyang pag-iyak.

Masamang signos? Sana ay hindi naman.

Tumahol ang aso ng aming kapitbahay at tumahimik ang pag-iyak. Malamang ay naalala ng babae na sya’y dinig sa buong apartment block, di tulad nung madaling-araw na tahimik ang kapaligiran, ani mo’y nagiisa ka sa mundo at walang nakakarinig sa iyong pag-iyak.

Gutom

Tuesday, November 27th, 2007

Goat4Sale Nung nakaraang Lunes, medyo maaga ako nagising upang magsulat at mag-check ng email, nang biglang mayroong nag-doorbell: isang matandang humihingi ng limos, inaabot sa akin ang isang papel sa isang kamay at sa kabilang kamay ay pinapakita ang dalawa o tatlong piso.

Sandali lang po, manong, sabi ko, isinara ng bahagya ang pinto at kumuha ng pera sa aking pitaka. Inabot ko sa matanda ang singkwenta pesos habang tinatanong kung saan sya nanggaling.

Sa Cordillera, sagot nya, sabay tingin sa pera. Parang nabigla dun sa halagang binigay ko. Bahagya ay nangamba ako na baka magalit sya at napakaliit nung binigay kong pera. Maraming salamat, sabi nung matanda. Haay, salamat, sabi ko sa aking sarili.

Sige, ingat po kayo, manong, sabi ko sa matanda at isinara na ang pinto.

Balik ako sa computer, download ang email at ang magandang balita na tuloy ang proyekto para sa websining sa kabila ng mga problema sa NCCA at dahil na rin sa pagpursigi ng CVA para maituloy nga ito.

Sana magandang signos yung matandang mula-Cordillera. Medyo isputing na polo pa nga ang kanyang suot, naisip ko na malamang ay galing sa ukay-ukay.

Lumindol kaninang tanghali. Tulog pa ako nun. Death anniversary pa naman ng tatay ko. Nung nakaraang araw naman nagalit ako sa asawa ko, napakakulit kasi, mas-excited pa sya kesa sa akin tungkol sa gaganaping proyektong websining, ayun walang tigil na kakatalak tungkol sa konsepto nya eh nahihilo na ako sa gutom at alas-tres na ng hapon ay hindi pa kami kumakain ng agahan.

Awa ng Diyos naayos naman namin ang gusot. Sinabihan ko syang wag makipag-debate at wag-negatibo kapag ako ay gutom. Malamang ay ito rin ang pinag-umpisahan ng problema namin nuong nakaraang taon: gutom.

Di ko matanggap ang dami ng batang nagugutom ngayon, lalo na yung mga batang papasok ng iskwela na walang agahan. Ilang pamilya kaya ang nasira dahil sa di pagkakasundo-sundo … dahil pala sa gutom.

Isa pang kaibigan kong taga-Burma ang sumagot sa aking email - makalipas ang ilang linggo. OK naman sya, awa ng Diyos, nagpipinta pa rin at ngayon ay interesante sa sound installation.

Nakakapag-tawid gutom pa rin ba kaya ang “art” ngayon?

Tuyong inaamag

Tuesday, October 2nd, 2007

Goat4SaleMalas at nagkasakit na naman ako. Nagumpisa bilang sore throat nuong nakaraang 3 araw. Kinabukasan ay naging sipon, pagkatapos ay naging dilaw na plema sa sinus, at ngayon ay plema sa lalamunan/baga na me kasamang hika. :(

Awa ng Diyos at di ako nilalagnat at di umaatake ang sobrang sakit ng ulo dala ng sinusitis. Ang inaalala ko ay ang di maiwasang pag-inom ng antibiotics kapag nangyari ito.

Ang duda ko na sanhi ng sakit sa lalamunan ay ang pagkain ko ng tuyo na inaamag. Marahil ay iniisip ng marami, gaga! Bakit ka kumain ng tuyo na merong amag?

Hindi ko mapigilan ang sarili ko, mahilig kasi ako sa tuyo at inisip ko na kapag hinugasan ko yung amag at lutuing mabuti ay okay pa naman yung tuyo.

Kung hindi yung tuyo (dahil dati naman na ako kumakain ng tuyong inaamag), ang hinala ko na sanhi ng sakit sa aking lalamunan ay ang pagkain ko ng palad flakes (kasama yung tuyo) na mukhang madumi, luma at nginatngat na ng mga daga.

Kaya eto, tinapon ko na yung mga natitirang tuyo na inaamag, pero andito pa rin yung palad flakes. Binili pa naman namin kasi yun sa sosyal na supermarket sa Landmark.

Madalas ay matibay naman ang aking sikmura sa samo’t-saring dumi at mikrobyo. Nung tumira ako sa Burma ng 2 linggo ay ako lang at isang kasamang Pinoy ang hindi inatake ng sakit ng tiyan o sakit ng ulo. Halos lahat nung mga kalahok mula sa ibat-ibang bansa ay nagtae, nagsuka, nagkasakit. Nung tumira ako ulit sa Burma ng isang buwan ay wala rin akong naging problema sa bituka.

Etong tuyo/palad flakes ay problema naman sa lalamunan at hindi sa tyan (pero meron din akong konting sakit sa tyan na naramdaman 1-2 araw makalipas kainin yung tuyo). Meron sigurong nakaka-irita na mikrobyo ang mga ito (katulad nung amag na kulay blue-green). Naantala tuloy ang pagpunta namin ni Trevor sa British Embassy. Sana ay humusay na ang pakiramdam ko kinabukasan.

Napakalungkot pa naman ng mga araw mula nung nakaraang linggo - walang tigil na pag-ulan at sa paggising ng umaga ay walang sinag ng araw na babati sa iyo …

Mayroong magandang blog si Market Man tungkol sa tuyo atbp.

Meron tuloy akong iniisip tungkol sa tuyo. Ang problema kasi ay ako lang ang kumakain ng tuyo dito sa bahay at ayaw naman ito ng aking asawa (okay lang ito kasi nakaka-highblood naman ang sobrang pagkain ng maalat). Kaya kapag bumili ako ng tuyo ay hindi ito agad nauubos at inaabot ng ilang linggo, kung minsan ay buwan, na di nakakain. Kaya naisip ko na baka pwede kong gawing “sardinas” yung tuyo, halimbawa, ilagay ito sa corn oil o kaya olive oil para hindi amagin.

Naisip ko ring gamitin ang tuyo bilang isang “relish.” na-excite ako nung tignan ko sa aking Burmese cookbook ang ilang mga resipi sa paggawa ng “relish.” :) Halimbawa, mula sa libro ni Mi Mi Khaing:

Crisp Saltfish Relish
4 ounces saltfish (ngabok, ngayan or Venezuelan dried fish in the U.S.A.)
1 onion
8 cloves garlic
1/2 cup oil
Large pinch turmeric
1 teaspoon (or less) coarse chili powder

1. Wash fish well, Cut in fine, even, small slices, 1/2 to 3/4 inches by 1/8 inch thick. Cut onions and garlic evenly.
2. Heat oil in a wok, add turmeric, fry garlic until golden and drain off. Do the same with onion. Remove all oil except a trace from pan. Over low heat fry chili till dark. Set aside chili and clean pan.
3. Return oil to pan, add sliced fish, and fry over good heat, stirring till it crisps, taking care not to burn, for about 7 minutes. Add chili, turn heat off, and when cool, mix in fried onion and garlic.

Naku, ang sarap nito. Nasubukan ko na kasi itong “relish” na ito na pwedeng “crispy” at pwede ring “fluffy” at napakasarap ihalo sa salad, o kaya sa kanin. At ang maganda rito ay dahil luto na sya ay hindi ito aamagin. Sa susunod ay magdadagdag pa ako ng ibang posibilidad para sa tuyo. :)